Part 3
Sa isang bahagi nga ng mensahe ni Lysette na inilagay niya sa isang social media account na facebook, sinabi niya sa idolo niya ang kanyang Ate Kae, mula sa kanyang pananamit, kung paano makitungo at humarap sa ibang tao, kung paano magtrato ng wasto sa iba.
“You have taught me a lot. I will not name it one by one but I wanna thank you. Thank you so much! You have touched each and everyone’s lives” bahagi pa ng kanyang mensahe.
Sa maikling panahon naman ng paglilingkod ni Kae sa McCann Worldgroup Philippines Inc., kinakitaan na ang dalaga ng kakaibang talino at abilidad sa pagtatrabaho, bukod pa rito ang mahusay na pakikisama at pakikisalamuha, hindi lamang sa kanyang mga kasamahan, kundi pati na rin sa mga opisyal ng kompanya.
Kahit inuubos ni Kae ang kanyang lakas at talino sa pagtatrabaho, patuloy pa rin siyang nagpupunyagi upang makamit ang pinapangarap na master’s degree.
Sa katunayan, bago ang malagim na pangyayari sa kanyang buhay, naisumite na niya ang kanyang thesis sa komite at ang pagdepensa na lamang dito ang kailangan niyang patunayan upang makuha niya ang pinapangarap na master’s degree.
Ang pagkakaloob naman ng seryoso at wastong paglilingkod sa pinasukang trabaho ang naging daan upang makita ng mga opisyal ng kompanya ang kanyang kakayahan kaya’t sa maikling panahon pa lamang niyang pagtatrabaho, kaagad siyang natalaga bilang senior account manager ng sangay ng MRM digital marketing agency sa tanggapan nito sa lungsod ng Maynila na nasa ilalim pa rin ng McCann Worldgroup Philippines sa Taguig City.
Masaya at inspirado sa kanyang trabaho si Kae lalo na’t noon pa man ay ito ang talaga niyang pangarap niya sa buhay.