Walang awang pagpaslang sa dalagang advertising executive

Walang awang pagpaslang sa dalagang advertising executive

Part 5

Hindi naman nagtagal ay nagpaalam na si Kae sa mga kasamahan lalo na’t batid niyang hinihintay ng kanyang mga kapatid ang kanyang pag-uwi.

Inihatid pa siya ng tatlo niyang kaibigan sa BGC East parking lot kung saan nakaparada ang kanyang kotse, isang kulay metallic beige na Toyota Altis na may plakang PIM-966.

Dakong ala-1:07 nang lumabas ng par­king lot ang kotseng minamaneho ni Kae at halos ganito ring oras nang makatanggap ng mensahe sa pamamagitan ng text ang kanyang nakababatang kapatid na si Lysette mula sa kapatid na panganay na nagpapahayag na papauwi na ang dalaga sa kanilang tirahan.

Ganito lagi ang ginagawa ni Kae sa tuwing uuwi siya ng bahay sa dis-oras ng hatinggabi upang hindi mag-alala ang kanyang mga kapatid dahil batid niyang naghihintay ang mga ito sa kanyang pag-uwi.

Gayunman, ang natanggap ni Lysette na mensahe sa pamamagitan ng text mula sa kanyang panganay na kapatid ang pinakahuli dahil hindi na muling nagparamdam pa sa kanila si Kae.

Kinabukasan, araw ng Sabado, Setyembre 7, 2013, nagsimula nang mabahala ang mga kapatid at kaanak ni Kae sa hindi niya pag-uwi sa kanilang tirahan kaya’t nagsimula na silang magtawag sa kanilang iba pang kamag-anakan at mga kaibigan upang alamin kung sa kanila nagtuloy ang dalaga.

Nang walang impormasyon silang nakalap sa mga kaanak at kaibigan, nagpasiya ang magkapatid, kasama ang kanilang mga pinsan na magtungo sa BGC Police Community Precinct (PCP) upang magtanong-tanong kaugnay sa pagkawala ni Kae.

Dakong alas-10 nang umaga noon ding araw ng Sabado nang duma­ting sa PCP sa Bonifacio Global City ang magpipinsan at magkapatid at dahil wala ring impormasyong maibahagi sa kanila ang kapulisan, ipinasya nilang magpa­sama sa parking lot ng BGC kung saan huling nakita si Kae habang papalabas, sakay ng minamaneho niyang kotse.

Sa isang pahayag, sinabi ng noon ay De­puty chief for Operations ng Taguig City police na si Supt. Celso Rodriguez na hindi muna ipina-blotter ng pamilya ni Kae ang kanyang pagkawala dahil wala pang 24 oras ang paghahanap sa kanya.