Isang ina ang dinakip at kinasuhan nang ibugaw nito at tangkaing ikalakal ang sarili kasama ang dalawa pa para lang magkapera makaraang madiskuwalipika ito sa pagtanggap ng ayuda.

“Inisip ko lang po ‘yung perang kailangan ko para sa anak ko, sir.”

Ito ang naging katwiran ng isang babae na taga-Quezon City.

Ayon sa suspek, base na rin sa panayam ng ABC-CBN, sinubukan niyang ibenta ang kanyang sarili at dalawang iba pa na kinabibilangan ng isang menor de edad para magkapera ng tig-P3,000.

Napilitan aniya siyang gawin ito nang nalaman niyang hindi siya kwalipikado sa mabibigyan ng cash aid ng pambansang gobyerno. Bukod dito ay wala din aniya siyang trabaho na mapagkukunan ng pera ngayong may COVID-19 lockdown.

Matapang pa nitong sinabi na handa siyang madapuan ng coronavirus, matustusan lang ang mga pangangailangan ng kanyang anak.

Kaugnay nito, iginiit naman ng isang biktima na hindi niya alam na ibubugaw na pala sila at ang sinabi lang sa kanya ng suspek ay “may pupuntahan lang po kami.”

Ang suspek na nakakulong ngayon ay nahaharap sa kasong human trafficking. (SDC)