NI: ISSA SANTIAGO

Naglabas ng mensahe sina Robin Padilla at Phillip Salvador sa mga bumabatikos sa pagsuporta nila kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa viral video post ni Robin sa kanyang official Facebook page, giniit ng aktor na walang bahid ng pera o kahit na ano ang pagsuporta nila sa Pangulo.

Bilib lang daw talaga sila sa Presidente kaya sinusuportahan nila at handa silang magpakamatay para rito.

“Tungkol po sa suporta namin sa mahal na Pangulo, ‘yun po kailanman ay walang bahid ng pera po, walang bahid ng kahit ano. Kami po ay bilib sa Presidente na ‘to, sinusuportahan namin ang Presidente na ‘to at magpapakamatay kami sa Presidente na ‘to,” saad ni Binoe sa isang interview na sinang-ayunan ni Salvador.

Aniya, napakalaki raw kasi ng utang na loob ng mga Muslim sa Pangulo dahil ito lang ang nagpatuloy ng programa ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM pati na Islamic Banking.

Hindi raw tulad ng iba na kapag nakaupo ay aalisin na ang mga programa ng sinundan nitong presidente.

Nasasaktan daw sila kapag binabatikos dahil wala naman silang bayad kapag nakikiisa sa mga programa ng administrasyon gaya ng Malasakit Center.

Patama naman ni Ipe, gawain daw kasi ng mga bumabatikos sa kanila ang akusasyong namemera lang sila.

“Kami po walang bayad. Kami po puso, paniniwala, paninindigan, malasakit. Kayo mga mukha kayong kuwarta,” pagtatapos ni Salvador.