Ito ang paniniyak na ginawa ni National Capi­tal Region Police Office (NCRPO) Director Chief Superintendent Oscar Albayalde sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay media forum sa Café Adria­tico sa Malate, Maynila.

Itinanggi rin ni Alba­yalde, ang mga balitang may banta mula sa sinasabing apat na babaeng Muslim na may planong maghasik ng karahasan sa Maynila bilang bahagi ng pananakot ng bandidong Abu Sayyaf (ASG) na nais umanong maghiganti sa pagtugis sa kanila ng mga puwersa ng pamahalaan at gayun din sa paha­yag ni Pangulong Rodrigo Duterte na uubusin sila.

Kasunod ito ng mga agam-agam ng mamamayan ukol sa posibleng pagsalakay muli ng ASG, makaraan ang pagsabog ng improvised explosive devise (IED) mula sa 8-mm mortar shell sa Davao City nitong nakaraang Setyembre 8 na ikinasawi ng 14 at ikinasugat ng mahigit 60 katao.

Sinabi naman ni Manila Police District (MPD) Director Senior Superintendent Joel Co­ronel na nakahanda ang buong puwersa ng pulis Maynila para rumesponde sa anumang insidente para matiyak ang kaligtasan ng mamamayan.

Binigyang pansin din ni Albayalde ang mabilis na pag-recover ng mamamayan matapos maganap ang karahasan sa Davao City at inilarawan itong magandang ehemplo para laba­nan ang banta ng terorismo.

“Hindi tayo dapat mag-panic. Naghahasik sila ng takot kaya dapat ay huwag tayong matakot dahil kapag gayon ang nangyari ay parang nagwagi na rin ang mga tero­rista sa kanilang layunin,” ayon kay Agbayalde.

“Ang kailangan ay maging mapagmasid tayo at makipagtulungan sa mga awtoridad para matukoy ang anumang banta na maaaring makasama sa ating mga komunidad,” dagdag pa ni Agbayalde.