Dear Atty. Claire,
Magtatanong lamang po ako kung anong proseso ang dapat gawin upang magkaroon ako birth certificate.
Kasal po ang aking mga magulang ngunit nagkahiwalay sila nung anim na buwan pa lamang ako sa tiyan ng aking nanay.
Nagpunta po ako sa munisipyo, ang sabi po sa akin mag-file ako ng affidavit for paternity at nagbayad ako P1,500. Ngunit dalawang taon ako naghintay ang sabi sa akin hindi raw naaprubahan.
Sana matulungan n’yo po ako sa aking problema.
Maraming salamat.
Aurelia
Ms. Aurelia,
Kung kasal naman ang nanay at tatay mo ay hindi mo kakailanganin ang affidavit of paternity dahil ikaw ay pinanganak nang sila ay kasal na kaya’t tinuturing kang isang lehitimong anak ayon sa ating batas.
Ang tanging gagawin mo ay puntahan ang ospital o midwife na siyang nag-asiste sa nanay mo na manganak.
Dapat mayroon silang record. Kung wala ay kakailangin mong magproseso ng late registration ng iyong birth certificate.
Puntahan ang Local Civil Registrar’s Office (LCRO) kung saan ka pinanganak pati na ang Philippine Statistics Authority at humingi ng certificate na ikaw ay walang record ng kapanganakan.
Kapag ikaw ay may kopya na, mag-file ka ng late registration ng iyong kapanganakan at isama sa application ang mga dokumentong hinihingi tulad ng baptismal record o ibang dokumento ng iyong pagkakakilanlan.
Ang listahan ng dokumento na dapat na isumite ay makukuha sa LCRO. Huwag kalimutan na isumite rin ang marriage certificate ng nanay at tatay mo para mailagay na ikaw ay isang legitimate na anak.
Kung sila naman ay kinasal matapos na ikaw ay isilang, maaari kang mag-file ng application for legitimation at ipakita lamang ang marriage certificate nila.