Walang plano ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na bigyan ng ‘blanket’ emergency power si Pa­ngulong Rodrigo Duterte para resolbahin ang problema ng trapik sa Metro Manila.

Ito ang tiniyak mismo ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez kaya kailangang linawin umano ng Department of Transporation (DOTr) ang kapangyarihan ng mga ito dahil sila ang magpapatupad sa dagdag na kapangyarihang ibibigay ng Kongreso kay Duterte.

“Kailangan nating i-identify kung ano ‘yung mga emergency powers na ‘yun? Saang area?

Hindi naman pwedeng blanket?” ani Alvarez na isang indikasyon na hindi basta ibibigay ang nasabing kapangyarihan.

Naisumite na ni DOTr Secretary Arthur Tugade sa House committee on transportation ang draft ng emergency power na hinihingi ng mga ito at sa susunod na linggo ay tatalakayin na ito sa committee.

Wala pang ibinibigay na kopya ng draft sa mga kagawad ng media subalit nakasaad umano rito ang mga kapangyarihang nais ng ahensya na maibigay kay Duterte kung saan sila ang magpapatupad.

Ilan sa mga kontra sa emergency power ay si Buhay party-list Rep. Lito Atienza dahil political will lamang umano ang katapat ng problemang ito lalo sa paglilinis ng mga inner-road na magagamit bilang alternate route.