Nakakalungkot ang sinapit ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Antipolo City na si Police Senior Inspector Mark Gil Garcia na nasawi kamakailan matapos na kasahan at barilin ng inaarestong sangkot sa iligal na droga sa nasabing lungsod.
Hindi man dead on the spot sa nangyaring drug buy-bust operation sa Antipolo City ay binawian ng buhay si Inspector Garcia sa Antipolo District Hospital ilang oras matapos itong isugod sa nasabing pagamutan.
Si Garcia ay nabaril ng hinuhuling nitong dalawang drug suspek sa Antipolo na kalaunan ay nabaril at napatay ng mga operatiba ng Antipolo City Police sa ginawang operasyon sa Sitio Maagay 1 Brgy. InaRawan.
Bago nabaril si Inspector Garcia ay isang buy-bust ang isinagawa, nagpanggap umanong bibili ng shabu ang isang pulis at nang makumpirma na nagtutulak ng shabu ang dalawang suspek ay aarestuhin na dapat ang mga ito ngunit nagpaputok ang isa sa mga suspek gamit ang isang sumpak at tinamaan si Inspector Garcia.
Gumanti ng putok ang mga back up pulis dahilan para ikamatay ng dalawang suspek.
Masyado talagang delikado ang kampanyang ito kontra iligal na droga ng PNP. Buhay ng bawat miyembro ng ating kapulisan ang nakasalalay dahil karamihan sa mga nalilinya sa pagtutulak ng iligal na droga ay utak kriminal na talaga na hindi pahuhuli ng buhay.
Kaya dapat ay magpatupad ng doble ingat ang mga nagsasagawa ng operasyon dahil wala na talagang sinasanto ang mga sangkot sa iligal na droga.
Ang sinapit na ito ni Inspector Garcia ay alam nating nangyari na rin sa marami pang miyembro ng PNP na tumutupad sa kanilang tungkulin. Pero sana ay mabawasan na ang ganitong senaryo sapagkat kaawa-awa ang mga pamilyang nawawalan ng mahal sa buhay.
Hindi naman ibig sabihin na pulis ka ay kailangan mo ng magbuwis ng iyong buhay.
Alam nating delikado ang buhay ng isang pulis kaya sana ay ibigay naman ng pamahalaan ang nararapat na suporta at proteksyon.
Hindi iyong sila na nga ang nalalagay sa balag ng alanganin ay niyuyurakan pa ang kanilang propesyon.
Oo nga’t maraming bad eggs sa PNP pero naniniwala akong mas marami ang matitino kaya sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado para himayin kung may pag-abusong nangyayari sa kaliwa’t kanang pagtumba sa mga sangkot sa iligal na droga, ang sa akin ay maging makatotohanan sana tayo, alam namin ang inyong hangaring mabigyang katarungan ang mga itinutumba pero may karapatan din naman ang ating mga kapulisan na dumepensa at hindi na lamang basta tatanggapin ang balang pakakawalan ng mga sangkot sa iligal na droga dahil kung hindi sila dedepensa ay talagang mamamayagpag ang masasamang elemento sa ating lipunan gaya ng mga sangkot sa iligal na droga.