Hindi tayo magtataka kung maraming bahay at gusali ang gumuho sakaling maganap ang malakas na lindol.
Dahil ito sa mga itinatayong istraktura na walang building permit at hindi man lang isinailalim sa actual inspection ng mga building officials ng lokal na pamahalaan.
Nakarating sa amin ang reklamo tungkol sa itinatayong gusali ng dormitory sa Pasacola, Novaliches, Quezon City na wala umanong building permit mula sa engineer’s office ng lunsod.
Ano ba ito, Mayor Bistek Bautista? Mga inutil at walang silbi na ba ang iyong mga building officials diyan sa Kyusi dahil sa kawalan umano nito ng kakayahan na i-monitor ang bawat barangay para matiyak na walang mga itinatayong iligal na mga gusali?
Ipinadala sa inyong lingkod ang pictures ng ilang gusali na nasa dalawa hanggang tatlong palapag ang taas. Sa tabi nito ay may nakaumang na namang panibagong itatayong gusali ito ay nasa phase 3 ng Dormitory Pasacola sa dulo na sakop ng Barangay Nagkaisang Nayon sa Novaliches ang mga ito ay wala pong building permit.
Kung totoo ang sumbong na ito, ano ang ginagawa ni Barangay Chairman Sonny dela Cruz at ng kanyang mga kagawad? Kung alam nila ito, bakit nagbubulag-bulagan sila na parang walang nakikita?
Maliban daw kasi sa iligal dahil walang permit ay hindi rin gumagamit ang mga ito ng safety fishnet para ang mga nalalaglag na debris ay hindi bumabagsak sa bubungan ng mga maliliit na mga bahay sa paligid.
Baka hindi lang sa Barangay Nagkaisang Nayon may illegal structure? Baka halos sa buong Quezon City ay may mga itinatayong bahay na walang building permit at hindi dumadaan sa tamang procedure para matiyak na nakakasunod sa building code at iba pang safety standards?
Ayon pa sa nagparating sa atin ng reklamo, malakas daw sa city hall ang may-ari ng itinatayong gusali. Napag-alaman pa nating hindi mga informal informal settlers ang nakatira kundi karamihan daw sa kanila ay mga professional squatters.
Kanino kaya malakas ito, kay City Engineer Joselito Cabungcal ba o mismong kay Mayor Herbert Bautista?
Baka hindi naman, pero bakit nga naman hinahayaan lamang po ninyo at hindi man lang sila sinisita o kaya ay ipatigil ang construction hanggang hindi inilalagay sa ayos?
***
Pakinggan ang ating programang ORO MISMO tuwing 3:00 PM hanggang 4:00 PM sa DZRJ 810 Khz. AM at napapanood sa Cable Link Channel 7 TV ng 8 TriMedia Broadcasting Network. Ang himpilan ng Bawat Pilipino.
Bisitahin ang aming WEBSITE: www.8trimedia.com. Puntahan ang Radio Broadcasting http://8trimedia.com/broadcast-live/para sa listahan ng mga programang maaari ninyong subaybayan sa aming himpilan. May live streaming feed at mga link para sa ating social media accounts tulad ng Facebook, Twitter, at Instagram.