Imbes na dagdag sahod, trabaho ang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdiriwang ng Labor Day nitong Lunes.

Sa kanyang talumpati kagabi sa “Labor Day Assembly with the President” na isinagawa sa People’s Park, Poblacion District ng Davao City, nanindigan si Pangulong Duterte na hindi pa rin niya kinalilimutan ang pangako na tapusin ang labor only contracting o “endo”.

“I stand firm to my conviction to end endo,” diin ng Pangulo.

Gayunman, humingi ito ng pang-unawa sa mga manggagawa kung matatagalan ang katuparan ng kanyang pangako.

“Give us time,” pakiusap ni Duterte.

Inihayag din nito na maglalabas siya ng exe­cutive order para sa mahigpit na pagpapatupad ng polisiya kontra endo.

Nitong Labor Day, kinalampag ng ilang labor organizations ang gobyerno na ipatupad ang P750 national minimum wage sa mga manggagawa sa pribadong sektor.