Walang dapat ikabahala sa nCoV — Duterte

Wala umanong dapat ikabahala ang publiko dahil kontrolado ng gobyerno ang pagkalat ng kinatatakutang 2019 coronavirus outbreak.

Sa ginanap na emergency meeting, sinabi ng Pa­ngulo na sakaling lumala ang sitwasyon ay nakahanda ang DOH na tugunan ang isyu.

Samantala, kinontra ng Malacañang ang puna ng mga kritikong senador na masyado nang ‘late’ ang pagpapatawag ng emergency meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na napapanahon at tamang timing ang pagpapatawag ng emergency meeting ng Pangulo dahil nitong Sabado namatay ang unang pasyenteng Chinese na unang naitala sa Pilipinas na naapektuhan ng coronavirus.

Sumunod aniya ang gobyerno sa mga rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) at natu­tugunan ng Department of Health (DOH) ang mga hakbang na dapat gawin para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus sa bansa.

“Its not late, in fact very timely ang desisyon ng gobyerno. We follow the directives and recommendations from the World Health Organization (WHO), the DOH,” ani Andanar.

Nauna rito, pinuna nina Senadora Risa Hontiveros at Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan ang tila mabagal umanong aksiyon ng gobyerno sa coronavirus outbreak na kumalat na sa iba’t ibang mga bansa, at hinintay pang mamatay muna ang isang pasyente bago naglabas ng travel ban ang gobyerno sa China.

“I would like to reiterate na itong namatay na infected by the nCoV is a person from China at ‘yung infected ‘yung kasama, wala pang Pilipino na infec­ted nito. ‘Yung desisyon ng gobyerno ay very metho­dical at ‘yung meeting mamaya ay nataon lang din dahil noong weekend namatay ‘yung pasyente na galing pa China, and the first death outside China,” dagdag pa ni Andanar. (Aileen Taliping/Prince Golez)

Sinabi ng kalihim na pili lamang ang mga ipinatawag na opisyal ni Pangulong Duterte sa nakatakdang emergency meeting sa Malacanang. (AIleen Taliping)