Bilang isang residente ng Quezon City, interesado akong subaybayan ang paglilinis na isinasagawa ni Philippine national Police (PNP) Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa hanay ng pulisya rito sa aming lungsod.
Nagpatupad na naman ng panibagong sibakan si Quezon City Police District (QCPD) acting District Director Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar. May 72 na mga tauhan ng QCPD ang kanyang inalis mula sa iba’t ibang mga istasyon at yunit.
Sa kabuuan, aabot na sa 141 ang mga pulis sa QCPD na sinibak sa puwesto. Ang mga inalis na pulis ay sasailalim umano sa imbestigasyon.
Dagdag pa ni Eleazar, ito ay bahagi pa rin ng pagtupad sa mandatong iniatang ni Dela Rosa na sugpuin ang iligal na droga at walisin sa pwesto ang mga kabaro na kung hindi man sangkot sa ipinagbabawal na gamot ay hindi na epektibo sa pagganap ng tungkulin.
Mula sa 72 na mga tauhan na sinibak, 69 dito ay hinihinalang sangkot sa iligal na droga at tatlo ay nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 9745 o Anti-Torture Act, theft at arbitrary detention.
Ang tatlo mula sa labing tatlong mga pulis na sinibak mula sa Station 9 ay nahaharap naman sa mga kasong robbery extortion, illegal arrest, arbitrary detention, perjury at planting of evidence.
Pansamantalang ibabalik ang 72 sa District Headquarters Support Unit sa Camp Karingal sa Quezon City.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Eleazar na mabibigyan ng due process ang nasabing mga pulis dahil sila ay haharap naman sa imbestigasyon, “Since due process is mandatory for dismissing these personnel, assigning them to menial tasks within QCPD Headquarters in the meantime, is in line with the mandate of our Chief PNP, and directives from our RD, NCRPO, PCSupt. Albayade.”
Noon lamang July 27, 2016, 53 na mga pulis mula sa anti-drug unit ng Station 6, at 35 mula sa District Anti-Drug Unit ang sinibak sa puwesto.
Ang 17 mga tauhan mula sa Station 6 na kasama sa mga naunang sinibak, pero lumitaw sa imbestigasyon na walang kinalaman sa iligal na droga at iba pang anomalya ay muling ibinalik sa dating puwesto.
Ang dalawang pulis naman na kasama sa mga nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa listahan na sina SPO2 Johnny Dela Cruz Mahilum at SPO1 Eric Arguta Lazo na dating nakatalaga sa DAID ay inilipat na sa PNP Personnel Holding and Accounting Office sa Kampo Crame.
Tuluy-tuloy naman ang imbestigasyon sa nalalabing 69 na pulis mula sa orihinal na 88 na sinibak noong Hulyo.
Ang mga mapapatunayan umanong guilty ay tuluyan namang aalisin sa serbisyo pagkatapos ng gagawing dismissal proceedings.
Ang mga mapapatunayan namang may malinis na rekord ay sasailalim sa WE C.A.R.E. PROGRAM -Character Assessment Review and Evaluation, Ito ay tatlong buwan na retraining and re-orientation kabilang na ang values and moral recovery, to reshape attitudes towards service to the people, and patriotism, and reassigned to other units.”
Kaya walang dapat na ikatakot ang matitinong pulis. Kung hindi sila kabilang sa mga ‘bugok na itlog’ sa PNP, hindi sila dapat na mag-alala.
Mas mainam nga na matanggal ang mga scalawag na ito sa kanilang hanay dahil pati ang mga tapat sa tungkulin ay nadadamay kapag nadudungisan ang dangal ng pambansang pulisya.
Samantala, bilang bahagi pa rin ng pagpapaigting ng kampanya kontra iligal na droga, iniulat ni Eleazar na tapos nang sumailalim ang mga bagong miyembro ng DAID-SOTG sa apat na araw na seminar tungkol sa Anti-illegal Drugs Operations and Investigation.