Ngayong 2019, maraming mga Pilipinong atleta ang nagbibigay ng karangalan sa bansa sa kani-kanilang larangan.
Nandyan si Carlos Edriel Yulo, na naging household naman agad sa Asian gymnastics tapos sungkitin ang kauna-unahang medalyang ginto ng Pilipinas sa World Artistic Gymnastic Championships sa Stuttgart, Germany.
Sumunod naman si Nesthy Petecio na inabot naman ang isa pang ginto sa AIBA Women’s World Championships sa Ulan-Ude, Russia sa nakalipas ding buwan.
Nitong nakaraang araw lang ay nakopo naman ni 2018 Asian Games gold medalist Margielyn Didal ang top spot sa dalawang skateboard event sa Exposure All Women’s Skateboarding Championships sa United States at sa Netherlands.
Lahat sila ay proud na nirepresenta ang bandila ng Pilipinas, ang iba pa ay naluha habang pinapatugtog ang ‘Lupang Hinirang’ sa international stage, na kaugalian sa mga world tournaments bilang pagbibigay-pugay sa nagkampeon sa mga event.
Ngunit maliban sa tatlong nabanggit, isang Pinoy pa ang namamayagpag pagdating naman sa mundo ng chess.
Ito ay walang iba kung hindi si super Grandmaster Wesley So.
Nitong Novemver 3 lang ay giniba ng Cavite-born na si So ang world ranked number 1 lang naman na si Magnus Carlsen ng Norway sa kauna-unahang World Fishcer Random Chess Championship sa teritoryo ng Norwegian.
‘Di nakapalag kay So si Carlsen na tinambakan sa score na 13.5 to 2.5 para maiuwi ang kampeonato sa world tournament at ipakita ang likas na talento ng mga Pinoy pagdating sa sport.
Ang kaso nga lang, hindi na puwedeng sabihin na ‘Pinoy Pride’ si So dahil ang nakakabit na bandila sa kanyang pangalan ay sa Amerika na.
Sa pag-anunsyo ng International Chess Federation bilang kampeon sa kanilang official Twitter account, bandila ng USA ang makikitang katabi ng pangalan ni So at ‘di Pilipinas kahit pa walang dugong Kano ang woodpusher.
Ano nga ba ang nangyari at napakawalan ng Pilipinas ang isa sa pinakamagaling na manlalaro ng chess sa buong mundo?
‘Di naging madali ang kabataan ni So, bago naabot ang rurok ng tagumpay ay dumaan muna sa mahirap na karanasan noong nasa Cavite pa siya. Nahiwalay sa kanyang tunay na pamilya sa musmos na edad, kinailangang manirahan mag-isa sa isang maliit na apartment at muntik pang sumuko sa chess, mag-aral na lang at maghanap ng permanenteng trabaho. Lalo pang nakapatong sa paglisan ni So sa chess ay ang politika sa PH sports, na nakaapekto sa pamumuhay nito dahil ‘di nakuha ang P1 milyong incentive sana.
Kaya naman noong 2014 ay pinili na nitong magpalit ng federation sa chess, ngayon ay Amerika na ang nirerepresenta at sa ilalim ng nasabing bansa ay nagawa pang mag-second ranked sa buong mundo noong 2017.
Naging maganda ang karera sa chess ni So sa ibang bansa, at kahit pa pinili nitong lumipat ng itatatak sa kanyang pangalan, walang Pinoy ang dapat manisi sa kanya dahil kasalanan din ng ilang ahensya ng sports dito sa bansa ang pagkawala ng world-class athelete natin.