Walang FDA registration! Fabunan inisyuhan ng CDO

Nag-isyu ng cease and desist order ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa hindi rehistradong Fabunan antiviral injection na sinasabing nakakagamot ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Sinabi ito ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Linggo.

Ayon kay Vergeire, hindi pa rin naghahain ng aplikasyon ang Fabunan para sa certificate of product registration (CPR) kung kaya’t inisyuhan na ito ng cease and desist order ng FDA.

Nagsasagawa na rin aniya ng case buildup ang ahensya laban sa Fabunan kung saan ay pinag-aaralan ng DOH ang mga posibleng kaso matapos na lumabas uli sa social media na ginamit ang naturang gamot sa isinagawang pagbabakuna sa Zambales.

“We are studying the case already. FDA has jurisdiction when it comes to the unregistered drug or vaccine, and PRC (Professional Regulation Commission) for the practice of medicine,” ayon kay Vergeire.

Noong Abril 22 ay inatasan ng Malacanang ang FDA na pag-aralan kung epektibo ng aba ang Fabunan antiviral injection para magamot ang mga dinapuan ng COVID-19.

Una nang kumalat sa social media ang isang video hinggil dito kung saan sinasabing patented antiviral drug diumano ang Fabunan laban sa dengue na gawa ng Washington-based Pinoy doctor na si Ruben Fabunan at aprubado na diumano ito para gamitin kontra COVID-19.

Nagbabala ang FDA sa publiko na wala silang inaprubahang gamot o bakuna laban sa COVID-19. (PNA)