Walang Forever sa Popularidad

ely-saludar-broadcasters-view

Maraming personalidad mula sa larangan ng pulitika, Sports at show biz na kapag sumikat ay mayroong ugali na nalulunod ito sa popularidad na ang akala ay walang katapusan ang pagiging sikat sa publiko.

Isa halimabawa sa mga politiko tulad na lang sa mga naging Pangulo ng Republika ng Pilipinas na sa unang mga buwan at taon ng panunungkulan ay masyadong popular at buung-buo ang tiwala mg mayoryang mamamayan.

Dahil dito ay lahat ng mga pulitiko na nais isulong ang pansariling interes ay parang mga hunyango at kapit-tuko kung dumikit sa Pangulo.

Sa pagpasok sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ay napakapopular nito kaya naman halos lahat ng mga pulitiko mula sa mga Senador, Kongresista, at maging mga lokal na opisyal na dali-daling nakipagsiksikan upang dumikit at karamihan dito ay agad sumapi sa Administration party PDP-Laban.

Ang mga mabilis na nagsitalunan ay karamihan mula sa Liberal Party na noon ay pinutakte ng mga miyembrong pulitiko.

Matapos ang termino ni Pangulong Noynoy Aquino ay parang may sakit ito na nakakahawa na agad nilayunan ng mga pulitiko na minsan ay laging nakadikit at tambay sa Malacañang.

Ngayon naman ay halos lahat ay nakadikit ngayon kay Pangulong Duterte dahil popular at nais protektahan ang pansariling interes.

Pero ngayon pa lamang ay dapat alalahanin mismo ng Pangulo at ng kaniyang mga malapit na kaalyado na walang forever sa pagiging popular at asahan natin na ito ay kukupas din.

Mas malamang nga na mabilis bumagsak ang popularidad nga­yon ni Pangulong Digong dahil sa napakaraming kontrobersiya sa kaniyang administrasyon.

Pangunahin dito ay walang tigil na pagpatay na sinasabing collateral damage sa kampanya laban sa illegal drugs.

Sang-ayon tayong lahat na agad sugpuin ang malalang problema sa illegal drugs pero sana naman ay mawala ay ang pagpatay sa mga inosente at napagkalamang drug suspect lang.

Masyadong bara-bara ang mga pulis dahil na rin sa signal na nakukuha nila mismo sa Pangulo at kay PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na noon ay nagsabing “kung ayaw lumaban (ang drug suspect) eh ‘di palabanin” na katumbas na talagang papatayin ang lahat ng mga sasagasaan sa mga drug operations.

Uulitin natin, walang forever sa pagiging sikat at popular at sana ngayong nasa kamay pa ito ng pangulo ang tiwala ng nakararaming mamamayan ay magamit ito sa tama at matuwid para sa interes ng taumbayan.