Walang foul play — PNP-HPG

Walang foul play sa naganap na pagkamatay ng isang pulis na sinasabing responsable sa pagpatay sa motorcycle rider na si John Dela Riarte na umano’y nanlaban sa mga pulis kahit nakaposas na sa Edsa, Makati City noong isang buwan.

Ayon kay PNP-HPG chief supt. Antonio Gardiola,­ may mga nakakita sa pagpapakamatay ni PO3 Jerimiah De Villa.

“Wala pong foul play. May imbestigasyon po d’yan,” wika ni Gardiola.

Sinabi ni Gardiola na madalas din wala sa sarili si De Villa at marahil ay nakaapekto dito ang pagkamatay ng ina dahil sa kontrobersya.

Kamakalawa nang tumalon umano sa gusali ng Police Community Protection Group (PCPG) at idineklara itong dead on arrival sa ospital.

Gayunman tiniyak ni Gardiola na tuloy ang imbestigasyon sa kaso dahil may natira pa naman buhay na akusado.

Matatandaang bumulusok mula sa rooftop ng isang gusali sa Camp Crame si De Villa kamakalawa na idineklarang patay sa PNP Hospital.