Walang garantiya sa Con-Con delegates

Walang garantiya na mangingibabaw ang interes ng mamamayang Filipino kapag mga dele­gado ng Constitutional Convention (Con-Con) ang nag-amyenda sa 1987 Constitution.

Ito ang pahayag ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez bilang pagtatanggol sa Constituent Assembly (Con-Ass) na pinal nang napiling sistemang gagamitin sa Charter Change (ChaCha).

“Election is not a gua­rantee that we would be choosing the right people (to a Constitutional Convention),” ani Alvarez dahil maaaring magpatakbo umano ang mga malalaking negosyante ng kanilang kinatawan at pondohan ang kanilang panalo upang maprotek­syunan ang pansariling interes.

Taliwas ito, aniya, sa Con-Ass kung saan tiwala si Alvarez na pangi­ngibabawin ng mga incumbent congressmen at senators ang interes ng mamamayan na nagluklok sa kanila sa Kongreso.

“I have faith in my fellow lawmakers in Congress and in the senators who were all elected into office by our people — I’ll start from that. And I also have faith in our President who was granted an overwhelming mandate by the Filipino people,” ayon pa kay Alvarez.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa kabila ng pasya ng Pa­ngulo na idaan sa Con-Ass ang pag-amyenda sa Saligang Batas ay marami pa ring sektor ang nagtutulak sa Con-Con.

Layon ng ChaCha na palitan ang sistema ng gobyerno mula presidential tungo sa federal system kung saan sinusubu­kan na ng Kamara ang sistemang ito sa pagbuo ng 12 Deputy Speaker na kakatawan sa 12 Federal States na itatayo.