Political suicide ang gagawin ng sinumang pulitiko na magtatanggol sa mga Parojinog na naging subject ng operasyon ng mga pulis sa Ozamis City noong linggo ng madaling-araw.
Ito marahil ang dahilan kung bakit walang kahit isang pulitiko ang bumatikos sa Philippine National Police (PNP) sa kanilang ginawang raid na ikinamatay ni Mayor Reynaldo Parajinog, asawa nito, kapatid, at mga tauhan.
May mga pumuna lang sa sistema ng mga pulis pero walang kumuwestiyon sa pagkamatay ng pinaka-lider ngayon ng Parojinog kahit maraming naglalabasang larawan sa social media hinggil sa itsura ng Alkalde na walang buhay.
Sa lawak ngayon ng social media kung saan, lahat ay puwedeng magsalita, lahat ng mga pulitikong magsasalita pabor sa mga Parojinog ay may paglalagyan sa susunod na eleksyon kaya minabuti marami nila na huwag na lang magsalita para ipagtanggol ang namatay na Mayor.
Bata pa tayo eh kumukulingling na sa tenga natin ang pangalang Parojinog dahil sila, lalo na ang ama ng Mayor na si Octavio ang lider ng Kuratong Baleleng na nasa likod ng mga panghoholdap sa mga bangko.
Naghari ang mga Parajinog sa Ozamis at kabilang din ang Mayor sa drug list ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya hindi ko masisisi ang mga pulitiko na manahimik na lang.
Kahit ang ordinaryong tao walang naawa sa mga Parajinog na kung bakit ay kayo na ang bahalang humusga. Hindi na kailangang sabihin pa kung bakit.
Kahit noong mapatay si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr., ay walang nagtanggol sa kanya dahil ama siya ng drug lord sa Eastern Visayas region na si Kerwin Espinosa.
Kaya lang naman nagsagawa ng imbestigasyon ang Senado ay dahil hindi matanggap ang istilo ng grupo ni Supt. Marvin Marcos na kahit sino ay hindi maniniwala na nanlaban si Espinosa na noo’y nakakulong. Pero sa kabuuan, walang nagtanggol kay Espinosa.
Ang usap-usapan nga ngayon, sino ang susunod kina Espinosa at Parojinog na nasa listahan ni Duterte na sangkot sa ilegal drug trade sa bansa? Tandaan natin na marami sila, ayon sa mga report.
Bukod sa mga mayor, mayroong din government at congressmen. Wala nga lang malinaw na listahan dahil hindi pa isinasapubliko ng Pangulo ang kanyang drug list.
Dapat na ring kabahan ang mga government officials na mas nasa drug list at magbago na nang tuluyan dahil seryoso talaga ang Pangulo sa kanyang kampanya labansa ilegal na droga.
Maaaring hindi pa ngayon mao-operate ang iba pang nasa listahan ni Duterte pero tandaan niyo, may limang taon pa ang Pangulo sa kapangyarihan kaya yung mga sangkot magbago na kayo.
Pero ang inaabangan ko talaga, ang pagtumba ng mga dayuhang drug lord na wala pa ring tigil sa pagpaparating ng ilegal na droga sa bansa. Tingnan nyo ang P6.4 billion shabu na nakalusot sa Custom. (dpa_btaguinod@yahoo.com)