
Pinasinungalingan ng Commission on Elections (Comelec) na ilegal ang inaprubahang paglilipat ng botohan sa ilang mall sa bansa sa darating na eleksyon.
Giit ni Comelec Chairman Andres Bautista, aprubado ng en banc ang napagdesisyunan ng mga itong mall voting sa Mayo 9.
“There is an en banc resolution for this,” aniya.
Tugon ito ni Bautista sa akusasyon ni dating Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal na maaari umanong maharap sa malaking problema ang Comelec dahil sa paglilipat ng botohan mula sa mga dating presinto patungo sa mga mall.
Sa ngayon ay 19 araw na lang bago ang eleksyon at kapos na umano sa panahon para maisakatuparan ang mall voting na nais ng poll body.
Ayon kay Bautista, aabot sa may 200,000 botante ang ililipat ang botohan sa mga mall na itinalagang gamitin sa araw ng halalan. (Noel Abuel)