Thumbs down kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III ang hinihirit na imbestigasyon kaugnay sa kontrobersiyal na “lobby money” na dahilan umano ng pagkakabasura ng nominasyon ni Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Giit ni Pimentel, wala siyang nakitang dahilan upang imbestigahan ang naturang usapin dahil sa kawalan naman ng ebidensiya.
Paglilinaw ni Pimentel, handa niyang paimbestigahan ang naturang usapin ngunit kailangan niya ng ebidensiya. Sa ngayon ay wala pa naman umanong ebidensiya maliban sa puro salita lamang.
“I can investigate but I need some evidence to start with. As of now none, except words,” ayon pa kay Pimentel.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsiwalat ukol sa sinasabing “lobby money talks” na siyang dahilan ng pagkalaglag umano ni Lopez sa CA.
Ilang senador na miyembro ng CA ang humihirit na imbestigahan ang naturang usapin partikular si Senador Franklin Drilon dahil sa paniniwalang ito’y nakakasira sa komisyon at sa bawat miyembro nito.