Wala namang pinsala sa kanyang mata si Sen. Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao tapos ng kanyang laban kay American boxer Keith Fitzgerald Thurman Jr., nitong Linggo sa Las Vegas, Nevada.

“Wala (injury), black eye lang. Nasuntok. Ganoon talaga ‘pag tinamaan ka (sa mata), black eye ka,” pahayag ni Pacquiao sa panayam ng mga reporter kahapon bago dumalo sa sesyon ng Senado sa Pasay.

Bukod sa black eye, wala naman umano siyang iniindang sakit sa katawan makaraang makipagbugbugan kay Thurman sa 12 rounds at agawin ang World Bo-xing Association (WBA) super welterweight belt ng karibal.

“Wala naman (ibang sakit sa katawan). Iyong sa mata ko lang mapula. Ok naman (sabi ng doktor, walang injury),” hirit ng 40-anyos na Pambanang Kamao.

Nang tanungin kung magreretiro sa boksing, sinabi niyang, “depende siguro. Ok naman ang performance ko, kaila-ngan lang ma-manage ang time.”
Sa ngayon aniya’y wala pang nakalinya kung sino ang susunod niyang makakalaban at posibleng sa susunod na taon na ito mangyari.

“Sa ngayon wala pa (kalaban). Work muna, marami pa tayong dapat gawin gaya ng panawagan ni Pangulong (Rodrigo) Duterte sa kanyang SONA. Kailangan nating suportahan ang ilang mga panukala,” panapos ni Pacquiao. (Dindo M­atining)