Walang itatago kay Leni sa drug war — Palasyo

Ipinahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na magiging transparent ang administrasyon kay Vice President Leni Robredo hinggil sa ­kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Sinabi ito ni Panelo nang matanong sa ­posibilidad na baka magamit diumano ni Robredo ang mga ­confidential information hinggil sa drug war laban sa administrasyon.

“Unang-una, wala namang tinatago ang gobyerno sa mga record. Nakabukas naman iyan,” ani Panelo.

Binigyang-diin ng kalihim na ang mga nakasaad sa intelligence report na nakalap ng mga ahensya ng pamahalaan na nagpapatupad ng drug war ay nagla­laman lamang ng mga partikular na drug personality.

“Kapag sinabi mong intelligence report, sino ang mga involved sa droga ang nandoon at ‘yun naman ang sinusundan lahat ng ahensya so ano naman ang masama doon,” anang kalihim.

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si ­Robredo bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Noong Sabado ay sinabi ni Robredo na ­makikipagpulong siya sa mga opisyal ng Estados Unidos at United Nations para pag-usapan ang war on drugs ng pamahalaan. (PNA)