NI: ARCHIE LIAO

Hindi nakaligtas sa pambabatikos ang Fil-Aussie actor na si James Reid kaugnay ng bago niyang role bilang Ambassador of Food Security ng Department of Agriculture.

Pagtuligsa ng mga basher, ano raw ba ang nalalaman ng singer-actor sa pagsusulong ng seguridad tungkol sa pagkain.

Kinukuwestiyon din nila ang credentials nito hinggil sa ambag nito sa larangan ng agrikultura sa bansa maliban daw sa pagiging pretty boy nito.

Ipinagtanggol naman ng mga taga-DA si James.

Nag-volunteer lang daw ang aktor para makatulong.

Ni isang kusing ay wala rin daw itong suweldo sa kanyang posisyon.

Kumpiyansa rin silang bilang kabataan, malaki raw ang puwedeng maging kontribusyon nito sa pagpo-promote ng agrikultura sa kanyang henerasyon.

Depensa pa nila,miyembro rin daw si James ng isang grupo ng millennials na nagsasagawa ng hydroponics o pagtatanim ng halaman na di gumagamit ng lupa.