Taliwas sa naunang pahayag na hindi mag-aangkat ng bigas dahil may sapat na supply ng bigas ang bansa ay nagbago ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa usaping ito.

Ito ay matapos na magbigay ng “go signal” ang Pangulo na umangkat ng imported na bigas ang Pilipinas sa pamamagitan ng government to private sector sa halip na government to government.

Nauna rito ay sinibak ng Pangulo si Cabinet Undersecretary Maia Halmen Reina Valdez dahil sa pagsusulong nito na ituloy pa rin ang importasyon ng bigas.

Ibig bang sabihin ng bagong kautusang ito ng Pangulo na umangkat ng bigas ay tama ang rekomendasyon ng sinibak na si Cabinet Undersecretary Maia Halmen Reina Valdez?

Dahil tama ang rekomendasyon ng sinibak na dating opisyal dapat ba itong ibalik sa puwesto dahil mukhang maling impormasyon ang naisubo na humantong sa mabilis na pagdedesisyon ng Pangulo na sibakin ang opisyal?

Ang tanong ano ba talaga ang katotohanan sa usapin ng pag-aangkat ng bigas sa pribadong sektor ng gobyerno?

Nagiging magulo kasi ang usaping ito dahil kinumpirma ng National Food Authority (NFA) na pang-walong araw na lang ang reserbang bigas ng ahensya kaya kailangang mag-angkat.

Dahilan ng NFA pinak­yaw ng mga negosyante ang mga ani ng mga magsasaka.

Ang hindi tama sa NFA ay kung bakit hinayaan nilang maubos ang kanilang stock at hindi ito pinalitan sa pamamagitan ng pagbili sa ani ng mga magsasaka gayong alam nilang papakyawin ito ng mga negosyante.

Ipagpalagay na rin nating nabiling lahat ng mga negosyante, bakit hindi ito sinabayan ng NFA upang sa gayon ay walang kakapusang nangyari at hindi hinayaang mapunta lamang sa mga negosyante.

Nababahala kami na baka may kinalaman lamang ang pagsibak sa dating opisyal sa pag-aangkatan ng bigas ng NFA kung saan ay hindi papabor sa kasalukuyang mga opisyal.

Ang sa amin huwag naman dahil alam nating galit ang Pangulo sa korapsyon na paulit-ulit niyang ipinangangalandakan at tiyak na wala siyang sisinuhin kapag nabunyag na may milagro sa desisyong ito ng NFA.