Walang katapusang linis kalsada

Noong Hulyo 2019, naglabas ng direktiba ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga local government unit na linisin ang mga kalsada sa loob ng 60 araw bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte. Matapos ang binigay na palugit, 97 alkalde sa buong bansa ang hindi nakasunod sa direktiba pero 10 lamang ang sinampahan ng administrative case.

Ngayong Pebrero, muling naglabas ng direktiba ang DILG para sa paglilinis ng obstruction sa kalsada. Pero sa pagkakataong ito, mga kapitan ng barangay naman ang inatasan. Hindi nila napiga ang mga alkalde kaya ang mga barangay chairman naman ang pinag-initan nila.

Isa sa sakit ng ulo sa kalsada ay ang mga illegal vendor. Nauunawaan natin na kailangan nilang kumita para mabuhay, pero huwag naman sa bahagi ng kalsada na ikasisikip ng daloy ng trapiko. May mga ba­lita pa nga na kaila­ngan nilang magbigay ng tong para hindi sila magalaw sa puwesto. Sino ba ang manghihingi sa kanila kundi ang mga opisyal ng barangay? May mga ulat na kasama rin sa nanghihingi ang ilang tiwaling pulis.

Matagal nang problema ang illegal vendor sa kalsada. Hanggang ngayon, ito pa rin ang pinagkakaabalahan ng government agency.

Hindi ako naniniwala sa pahayag ng isang opisyal ng Malacañang na hindi gaanong apektado ang ekonomiya ng Pilipinas sa coronavirus disease outbreak sa bansa. Sa airline industry lamang, mahabang panahon nang tigil ang flight sa mainland China. Humabol din ang travel ban sa South Korea dahil sa paglaganap ng COVID-19 doon.

Kamakailan lamang tinanggal ang ban sa mga OFW sa Macau at Hong Kong. Sa Taiwan, ilang araw din na tinigil ang biyahe bago binalik. Unang umaray ang Philippine Airlines at 300 manggagawa ang kanilang tinanggal.

Matumal din ang turismo kaya malungkot din ang mga taong umaasa dito. Para­ting na ang summer months at kung magpapatuloy sa pana­nalasa ang coronavirus ay asa­hang matamlay din ang pagdating ng mga turista sa bansa.

Sa pagtaya ng isang labor group, aabot sa 7,000 Pinoy ang mawawalan ng trabaho dahil sa virus outbreak.