WALANG KINATAY!

rita-avila

NA-INSPIRE si Rita Avila sa ginawa niyang pelikulang Tatlong Bibe na sinulat at dinirek ni Joven Tan.

Kapag si direk Joven ang kumukuha sa kanya para sa isang project, hindi niya kayang tanggihan dahil malaki ang utang na loob niya sa naturang direktor.

Si Direk Joven ang mentor niya sa paggawa ng libro. Wala sa plano niya ang gumawa ng mga libro, pero biglang napasok niya ang paggawa ng libro na pambata na malapit sa kanyang puso.

Ginawa nila ang pelikulang Tatlong Bibe ng Regis Films na intended sana sa Metro Manila Film Festival, pero hindi ito nakapasok sa top 8.

Bukod sa tatlong bibe, bida rito ang tatlong Kapamilya child wonders na sina Lyca Gairanod, Marco Masa at Raikko Mateo.

Tiniyak ni d­irek J­oven na walang bibeng sinaktan at pinatay sa pelikulang ito.

Hindi lang daw bibe, kundi meron ding baboy, baka, aso na ginamit sa pelikula pero naalagaan sila rito nang maayos kagaya ng pag-alaga sa kanilang mga artista.

Kahit kontrabida ang role dito ni Rita, gustung-gusto niya ang pelikula dahil pambata ito at napaka-positive ng mensaheng gustong iparating sa mga manonood.

Malapit kay Rita ang mga bata dahil isa sa frustrations niya ang maging ina. Pero marami siyang naalagaang mga bata at tumayo na ring ina nila.

***

Sa presscon ng Tatlong Bibe ay naikuwento rin ni Rita na muntik na sana silang mag-adopt ng baby.

Kuwento ng aktres, “Muntik na kami mag-adopt last year. Nu’ng akala namin na dadalhin na sa bahay, nu’ng gabi na ‘yun, naglilinis na kami, nag-ayos na kami, excited na kami, naligo na kaming lahat ganyan…

“Biglang tumawag ‘yung ano na parang binawi raw nu’ng mother ‘yung baby, parang may iba pa siyang kausap.”

Medyo nalungkot sila na hindi natuloy, pero nasa isip pa rin nilang mag-adopt ng baby pero hinihintay na lang nilang ibigay ito sa kanila ng Diyos.

Ayaw nilang ipilit pa.

“Ako talaga I don’t plan much. ‘Pag dumating ‘yan at iadya ‘yan ng Diyos,” pakli ni Rita.

Abala pa rin siya sa pag-aalaga ng mga bata.

Ayaw idetalye ni Rita pero active siya sa pagbibigay ng suporta sa ilang institutions kagaya ng CRIBS, at meron pang institution sa Tagaytay na regular niyang dinadalaw.

Hindi lang mga bata, kundi meron din siyang mga matatandang inaala­gaan.

***

Naniniwala si Rita na sa mga librong ginagawa niya ay doon siya nagkakaroon ng connection sa mga bata.

Hindi niya ito pinagkikitaan, dahil lahat na kinikita ng librong iyun ay ibinibigay niya sa orphanages at ilang institutions na sinusuportahan niya.

“Kumbaga, kung binigyan man ako ng way ni God na magsulat… dati naman, malay ko ba na magiging manunulat ako.

“Kung binigay Niya sa akin na talent, ibinabalik ko rin ito sa kanya,” saad ni Rita.

Sa Mayo 1 pa ang showing ng Tatlong Bibe pero magkakaroon ng premiere showing sa February 13 na gaganapin sa SM Megamall.