Inihayag kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guil­lermo Eleazar na wala silang naitalang krimen na may kinalaman sa unang Simbang Gabi sa Metro Manila kahapon.

Nag-ikot sa mga simbahan sa Metro Manila si Eleazar kasama ang iba pang opisyal ng pulisya para masiguro ang maayos na pagpapatupad ng Oplan Ligtas Kapaskuhan 2018 na layuning mabawasan ang mga krimen ngayong Kapaskuhan.

Kabilang sa mga pinuntahan ni Eleazar ang mga simbahan sa Quiapo, Sta. Cruz at Binondo na pawang matatagpuan sa Maynila.

Nagtungo rin si Eleazar sa San Agustin Church at Manila Cathedral na matatagpuan sa loob ng Intramuros. Nagkaroon siya ng pagkakataong makausap sandali si Manila Archbishop Luis Antonio Tagle na siyang nagmisa sa unang Simbang Gabi sa Manila Cathedral.

Una nang inatasan ni Eleazar ang lahat ng police district sa Metro Manila na maging mahigpit sa pagpapatupad ng seguridad sa lahat ng mga simbahan at maging sa mga residential area para mabigyan ng proteksyon ang mga mamamayan laban sa mga masasamang loob gaya ng mga magnanakaw habang dumadalo sa Simbang Gabi.