Walang natutunugan ang Department of National Defense (DND) na namumuong kudeta sa hanay ng Armed Forces of the Philippines para patalsikin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Mindanao Hour sa Malacañang sa harap na rin ng umiikot sa social media na post ng isang retired Gen. Joey Kakilala na umano’y may nagaganap na recruitment ng isang popular na pulitiko sa Philippine Military Academy (PMA) Class 2006 para maglunsad ng kudeta.
Ayon kay Lorenzana, wala silang natatanggap na impormasyon na may ganitong plano at hindi niya alam kung saan nakuha ng dating heneral ang kanyang impormasyon na may nilulutong pag-aaklas.
Wala naman aniyang indikasyong may hinanakit o reklamo ang mga sundalo laban sa Duterte administration.
“I don’t know where he based ‘yung report niya na ‘yun. We are checking that with him kung saan niya nasagap ‘yun. On the whole wala naman kaming nakikita na grouping ng mga disgruntled officers, kasi before you can do that there must be some grievances eh, kailangan mayroon kang gripes na hindi matugunan and we do not see any of those indications now,” sabi pa ng kalihim.