Natutuwa si Seth Fedelin na naging ka-love team niya si Andrea Brillantes sa top-rating drama series na “Kadenang Ginto”. Noong hindi pa raw kasi siya artista ay crush niya na ang young actress.

Nililigawan na ba niya si Andrea?

“Sa ngayon po, kinikilala ko pa po siya. Months pa lang po kasi kaming magkasama, e, wala pang taon. Alam kong meron pa akong hindi nakikita sa kanya. Lahat naman tayo, hindi puro maganda ‘yung ginagawa natin, so, mayroon tayong mga kasalanan. Gusto kong makita sa kanya ‘yung totoong siya.

“Lagi kong sinasabi sa kanya na, huwag mong gawin ‘yan para ma-impress ako sa ‘yo. Gusto kong makita ‘yung totoong Andrea Brillantes, which is nakikita ko naman sa kanya, ‘yung nagpapakatototo siya. Kasi ru’n ka minamahal, eh. Hindi ka mamahalin ng tao kapag peke ka,” sey pa ni Seth.

Patuloy niya, “First impression ko sa kanya, hindi pa ako artista, nasa loob pa lang ako ng Bahay Ni Kuya, is mataray, ganoon, hindi ako papansinin. Pero nagkamali ako, kasi mapagmahal siya sa pamilya niya, kitang-kita ko ‘yun. Ginagawa niya lahat. Ang trabaho niya inaayos niya para sa pamilya niya.

“Ngayon, nagpapagawa siya ng bahay, tapos gusto niya, lahat ng pamilya niya roon titira. Ganoon ang gusto ko, e. Nakikita ko sa babaeng ‘yun, mapagmahal sa pamilya, mabait, may takot sa Diyos. Kaya kumbaga, siya na, eh. Malay po natin. Siguro naman walang mali, nagmamahal ka lang naman. Ang mali kapag hindi ko muna kinilala,”aniya pa

Nakausap namin si Seth sa Christmas party na inorganisa ng grupo ng kanyang mga tagahanga, ang One For Seth, sa pamumuno ng aming kaibigang si Chams Gonzales. (Rommel Placente)