Dear Sir:

Sa pagbisita ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa Middle East hihingi umano siya ng suporta sa peace efforts ng Minda­nao.

“This will be my first meeting with esteemed leaders of the States of the Gulf. I will seek their support for our efforts to bring just and lasting peace in Mindanao.

I also look forward to exchanging views with them on regional security issues, promoting intercultural dialogue and the Philippines’ efforts at community building in ASEAN,” ito ang naging pahayag ng Pangulo.

Sa tingin ko walang masama sa gagawing paghingi ng tulong ng pangulo sa mga maitutu­ring na makapangyarihang bansa tulad ng nasa Middle East.

Kung may maitutulong ito at maaring maging isa ito sa paraan upang makamit natin ang kapaya­paan bakit naman hindi?

Gagawan at gagawan ng Pangulo ng paraan upang sa kanyang termino ay magkaroon ng pagbabago sa ating lipunan. Mabuhay ka Pangulong Duterte.

Mark R. Talledo

Cebu

***

Dear Sir:

Nakasaad sa balita na kinumpirma na ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Ano na nag-utos siya na magpadala ng barko ng Philippine Navy upang magpatrolya sa Benham Rise.

Partikular na tinukoy ni Gen. Ano na ang bagong barko ng Philippine Navy na BRP Davao del Sur ang magpapatrolya kasama ang isa pang barko na BRP Lanao del Sur.

Sa aking palagay, na­rarapat ang ginawa ni Gen. Ano. Mabuti ng nababantayan ang Benham Rise lalo na at maraming bansa ang nagkakaroon ng interes dito.

Maganda rin ito dahil ipinahihiwatig nito na hindi sila pwedeng magtangkang basta pasukin ang Benham Rise dahil ito’y saklaw sa nasasakupan ng ating teritoryo.

Manuela G. Delos Reyes

Marikina

***

Dear Sir:

Kumpirmadong ang dinukot ng Abu Sayyaf na si S/Sgt. Anni Siraji sa Barangay Igasan ay pinaslang ng teroristang grupo.

Natagpuan ang ulo nito 50 metro mula sa kanyang katawan sa Brgy. Taglibi, Patikul Sulu. Mariing kinondena ni B/Gen. Cirilito Sobejana ang pagpugot ng ulo kay S/Sgt. Siraji dahil una sa lahat ito ay kapwa nila tausug at giit pa ng general hindi ito combatant kundi isa itong peace efforts maker.

Sa ganitong pagkakataon malinaw na ang bandidong grupo ng ASG ay handang kumitil ng buhay kahit na kapwa pa nila Pilipino at katribo.

Sana ang pangil ng batas at hustisya ay umiral. Malaking posibilidad na nahihirapan na ang mga miyembro ng ASG sa opensiba ng militar kung kaya naman sa dami ng nalagas nilang tropa ay sinindak nila ang AFP sa ginawa nitong pagpugot ng ulo sa sundalo.

Ivan R. Abella

San Pedro Laguna