Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipinong napabilang sa siyam na biktimang nasugatan sa pananagasa ng isang driver ng kotse sa isang grupo ng mga tao sa Central Tok­yo kahapon.

Ito’y batay na rin sa impormasyon ng Philippine Embassy sa Tokyo matapos maberepika sa Japanese authorities.

Ayon sa Embahada ng Pilipinas, ang mga biktima ay nagtamo ng minor injury matapos araruhin ng 21-anyos na suspek na sakay ng kanyang sasakyan, ang grupo ng tao sa Harajuku district.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek at isinailalim sa masusing imbestigasyon.

Ayon sa DFA, tinatayang nasa 33,000 na ang mga Pinoy sa Tok­yo metropolitan area. (Armida Rico)