Nagbigay ng katiyakan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya hahayaang manaig ang pang-aabuso kasunod ng ginawa nitong deklarasyon sa Martial Law sa Mindanao dahil sa kaguluhang nangyayari ngayon sa rehiyon partikular sa Marawi City.

Bilang bahagi ng pagpapairal ng Batas Militar ay mahigpit na ipapatupad ang mga patakaran gaya ng pagkakaroon ng curfew, checkpoints, at pag-aresto kahit walang warrant.

Ang pagpapatupad ng mga nabanggit na kautusan ang naghatid ng pangamba sa publiko dahil may ibang dating sa taumbayan­ ang Martial Law.

Pero bahagyang naibsan ang pangamba ng marami dahil sa binitiwang pangako ng Pangulo na hindi nito hahayaang mamayani ang pag-abuso.

Ang tanong sino ba ang maaaring mang-abuso?

Hindi ba’t ang mga awto­ridad, ang mga pulis at sundalo na nasa likod ng pagpapatupad ng Batas Militar.

Kaya sana ay ipatupad nang naaayon sa batas ang idineklarang Martial Law.

Hindi sana ito magamit ng ilan para sa kanilang personal na interes o kapakanan dahil tatabunan lamang nito ang tunay na ­misyon ng deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao na ayusin ang sumiklab na kaguluhan at manaig na ang kapayapaan sa ­buong Mindanao.