Walang patid ang panawagan para suspendihin o kaya’y tuluyan nang lusawin ang kontrobersiyal na Phi­lippine Offshore Gamin­g Operator o POGO sa bansa.

Kasi nga naman, bukod sa perwisyong dulot nito sa ating bansa, wala namang naitutulong ito sa ating ekonomiya. Hindi tayo nakikinabang dahil pawang mga Chinese national din ang nagtatrabaho sa industriyang ito.

Bakit kanyo? 0.04% lang kasi ang impact ng POGO industry sa Pilipinas. Ibig sabihin ang cash inflow laban sa ating gross domestic product o GDP ay 0.04% lang o P7 bilyon lang naipapasok nito sa kaban ng bayan.

Napakaliit kung tutuusin pero iyong perwisyong dulot ng industriyang ito, doon talo ang mga Pilipino.

Sapol nang mama­yagpag ang POGO sa Pilipinas noong 2016, tumaas ang mga casino-kidnapping related incident, ang prostitution, human traffickin­g ng mga Chinese national na nagtatrabaho sa POGO gayundin ang money laundering ng milyong dolyar na pinapasok sa bansa.

Sabi nga ni Senador Joel Villanueva, bumabaha na ng salapi na ‘nilalabhan’ dito sa bansa natin. Isipin ninyo P22 bilyon ang pumasok a bansa hanggang gayon wala ta­yong nababalitaan kung anong ginawa dito.

Ang nakakalungkot pa rito, walang mabigay na datos ang Pagcor, DOLE, BOC at iba pa pang ahensiya sa pagpasok ng mga fo­reign worker, ligal man ito o iligal.

Katulad din nang sa isyu ng human trafficking. Ang nakakalungkot pa rito, kino-corrupt ng POGO ang ating gobyerno. Biruin ninyo sa ibinunyag na ‘pastillas’ scheme ni Senadora Risa Hontiveros, P10 bilyon ang kita ng sindikato sa likod nito, na ang pasimuno’y mga dati at kasalukuyang opisyal ng BI.

Ang nakakabuwisit pa rito, kung si Juan Dela Cruz ay nagbaba­yad ng buwis, marami dito sa mga POGO kabilang ang kanilang mga manggagawa ay hindi nagbabayad ng withholding tax.

Mismong ang Department of Finance (DOF) na ang nagsabi na P2.5 bilyon hanggang P3 bilyon ang nawawala sa ating bayan dahil sa hindi pagbabayad ng buwis ng mga dorobong POGO na ito.

At sabi ng BIR, may P50 bilyon ang hindi nababayarang buwis kapag iko-compute mo ang incorporate income, valued-added tax at withholding tax ng mga POGO. Hindi ba’t sobrang garapalan ang ginagawa ng mga dorobong Chinese na ito?

Hindi lang ‘yan. Hindi rin nagbabayad ng franchise tax ang mga POGO. Ang kanilang paniniwala na hindi kasi sila nag-o-operate daw dito ay malaking kalokohan. Why would they get the license of Pagcor? Tapos sa­sabihin nila hindi sila sakop ng pagbabayad ng franchise tax.

Kaya ang million dollar question is, sabi nga ni Sen. Joel Villanueva, chair ng Senate committee on labor, anong ginagawa ng Pagcor? Sino ang kakampi ng Pagcor? POGO o ang Republika ng Pilipinas?

Eh sila ang ating state gaming regulator? Bakit ‘di nila tulu­ngan ang BIR na habulin ang mga ito? Bakit hindi nila tulungan ang BIR na kolektahin itong 5% franchise tax? Iyan ang malaking katunu­ngan dahil halata naman na walang pagsisikap ang BIR na habulin ang mga abusadong POGO na ito.