Pinaniniwalaang hindi na makayanan ng isang ama ang labis na pag-aalala kung saan maghahagilap ng perang pambayad para sa naospital niyang anak kung kaya’t nagpasya itong wakasan na lamang ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa kanilang tahanan sa Caloocan City kahapon nang madaling-araw.

Base sa ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-4:30 nang madaling-araw nang matagpuan ng kanyang kinakasamang si Marjorie Baytos, 18-anyos, ang wala nang buhay na biktimang si Jeffrey Martin, 28-anyos, na naka­bigti sa loob ng kanilang bahay sa Dagat-Dagatan Avenue, Brgy. 8 ng nasabing lungsod gamit ang isang lubid na nakatali ang kabilang dulo sa kisame.

Galing umano noon sa kanilang kamag-anak sa Cubao, Quezon City si Baytos dahil may i­naayos para sa kanilang anak na nagkaroon umano ng impeksiyon kung kaya’t dinala sa ospital.

Sa tulong ng mga kalugar ay kinalas mula sa pagkakabigti ang biktima pero hindi na ito naisugod pa sa pagamutan dahil wala na talaga umanong buhay.

Nabatid na bago pa man nagpakamatay ay dumaranas na umano ng matinding pag-aalala ang biktima dahil hindi nito malaman ang gagawin lalo pa’t pareho silang walang hanapbuhay ng kinakasamang si Baytos.

Sa pagsisiyasat ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) sa pangunguna ni Chief Ins­pector Abelino Andaya, wala namang nakitang iba pang external injury sa biktima maliban sa bakas ng pagkakabigti nito.

Gayunman, dinala rin sa Eusebio Funeral Homes ang mga labi ng biktima para isailalim sa autopsy upang matiyak na walang foul play sa pagkamatay nito.