Nasawi ang isang 67-anyos na manager ng isang kompanya matapos na magbaril sa sentido nang magkaproblema sa ipampapasuweldo at sa ipamimigay na 13th month sa kanyang mga empleyado kahapon nang madaling-araw sa Sta. Mesa, Maynila.
Binawian ng buhay sa UERM Hospital ang biktimang Manager ng Quatech, Industrial Agency at taga-Pasay City dahil sa tama ng bala sa ulo.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Jonathan Bautista, ng Manila Police District -homicide section, alas-12:15 ng hapon kamakalawa nang matagpuan ang biktima sa loob ng comfort room sa 3rd floor, Room 308 SCC Building CFA compound Old Sta Mesa.
Nabatid kay Eleonor Robles, Project Manager ng kompanya na nakita niya ang biktima na pumasok sa CR ng kanyang opisina hanggang sa nakarinig na lamang ito ng ingay.
Nang magtanong si Marloc Palicpic, Admin Manager kay Robles kung nasaan ang kanilang amo at dahil hindi pa lumalabas ay pinuntahan na sa kanyang opisina at kinatok sa CR hanggang sa tumambad ang biktima na duguang nakaupo sa inidoro.
Kinumpirma naman ng hindi na pinangalanang asawa ng biktima na problemado ang kanyang asawa kung paano nito pasusuwelduhin at bibigyan ng 13th month pay ang kanyang mga empleyado kaya hinihinalang motibo sa pagpapakamatay.
Kinumpirma rin ng ginang na may dalawang lisensiyadong baril ang suspek.
Nakuha sa tabi ng biktima ang isang .9mm Taurus na baril, isang basyo at limang bala. )