Walang pasok sa Marso 21, Abril 1 sa Calapan, Panabo

Inilabas ng Malacañang ang dalawang proklamasyon na nagtatakda ng special (non-working) day o walang pasok sa mga lungsod ng Calapan sa Oriental Mindoro at Panabo, Davao del Norte.

Batay sa Proclamation no. 691, idineklarang pista opisyal sa Marso 21, 2019 sa Calapan City para bigyang-daan ang pagdiriwang ng mamamayan sa 21st Founding Anniversary ng lungsod.

Wala ring pasok sa Abril 1, 2019 sa Panabo City sa Davao del Norte para sa kanilang 18th Founding Anniversary.

Pumatak sa araw ng Linggo Marso 31, ang anibersaryo ng Panabo at hiniling ng Sangguniang Panlungsod sa Malacañang na gawin ito sa araw ng Lunes (Abril 1) para mailarga ang seremonya at selebrasyon.

Pinagbigyan naman ito ng Malacañang sa bisa ng Proclamation no. 690 na nagdedeklarang walang pasok sa Abril 1, 2019.

Ang dalawang proklamasyon ay pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea batay sa awtorisasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.