Naglaro muna ng tablet bago winakasan ng isang 61-anyos na padre de pamilya na problemado umano sa salapi ang kanyang sariling buhay matapos na magbaril sa kanang sentido sa loob ng kanyang bahay, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Nalagutan ng hininga habang ginagamot sa Mary Johnston Hospital (MJH), ang biktimang si Edmund Cruz ng 341 Coral Street, Tondo bunsod nang tinamong tama ng bala sa kanang sentido.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO3 Milbert Balinggan ng Manila Police District-Homicide section dakong alas-10:30 ng gabi nang isagawa ng biktima ang pagpapatiwakal sa loob ng kanilang tahanan.
Sinabi ni Ranielle, 17-anyos na anak ng biktima huli niyang nakitang buhay ang kanyang ama habang nakaupo sa kanilang dining area, malapit sa kusina at naglalaro ng tablet.
Maya-maya ay nakatulog na umano siya (Ranielle) at nagising na lang ng makarinig ng putok ng baril.
Nang tingnan umano niya ang pinagmulan ng putok ay nagulat siya na nakitang duguan ang sariling ama at naghahabol ng hininga.
Humingi ng tulong si Ranielle sa kanyang ina na nasa itaas ng bahay at isinugod sa pagamutan ang biktima kung saan idineklara itong patay ng mga doktor dakong alas-12:56 ng madaling-araw.
Naniniwala naman ang pamilya na walang foul na naganap sa insidente at pagma-may-ari ng biktima ang ginamit na kalibre .22 na walang serial number.
Sa inisyal na imbestigasyon lumilitaw na posible umanong problemang pinansiyal o kawalan ng pera ang dahilan nang pagpapakamatay ng biktima,.