Bulilyaso ng Quezon City Veteri­nary ang litsunan sa Payatas, Quezon City na walang permit at itinuturing ang barangay na isang ‘quaran­tine area’ matapos na magpositibo ang mga alagang baboy sa African Swine Fever (ASF).

Nabatid na naaktuhan ng monito­ring team ng Quezon City Veterinary Office at mga pulis-Quezon City ang mga nililitsong baboy at 13 pang buhay ang nakatakdang isalang sa isang compound sa nasabing barangay.

Dahil dito ay agad na inaresto ang may-ari ng mga baboy na si Segundo Castro na nakiusap at nagmamakaawang pabayaan na muna siyang maibenta ang mga baboy dahil ito lamang ang kabuhayan ng kanyang pamilya.

Kasabay nito ay inamin naman ni Castro na galing sa barangay ang kanyang mga baboy at ang ilan dito sa bakuran lang daw nila kinakatay at inilalako ang mga nililitson sa palengke sa Galas at ilang kapitbahay.

Nabatid na bukod sa walang roasting­ permit si Castro, nilabag din niya ang Food Safety Act at Illegal Slaughtering na may multang P200,000 hanggang P1 milyon at kulong na anim na taon. (Dolly Cabreza)