Walang pinagbago

Magdalo by Gary Alejano

Hindi maaaring tawaging magandang balita ang pananatili ng inflation rate sa 6.7% ngayong buwan ng Oktubre. Nangangahulugan lamang ito na hindi pa rin nasosolusyunan ng administrasyong Duterte ang mataas na presyo ng mga bilihin, kaya naman patuloy pa rin ang paghihirap ng maraming Pilipino. Ang talagang inaasahan ng sambayanang Pilipino sa administrasyong ito ay ang maibaba ang inflation rate, hindi lang basta panatilihin ito sa kasalukuyan nitong antas.

Tandaan natin na noong Disyembre 2017 ay nasa 2.9% lang ang inflation rate at nagsimula itong tumaas nang ipatupad ang TRAIN Law. Pagdating ng Enero 2018 pumalo na agad sa 3.4% ang inflation at naramdaman agad ng maraming Pilipino ang negatibong epekto ng pinagmama­laking TRAIN.

Simula noon ay hindi na napigilan ng administrasyon ang tuloy-tuloy na paglobo ng inflation rate hanggang sa pumalo na ito ng 6.7% noong Setyembre. Malayo na ito sa kalkulasyon ng administrasyong 2-4 na porsyento para sa kabuuan ng 2018.

Kaya anong karapatan ng Malacañang na ipagmalaking mabu­ting balita ang pananatili ng inflation rate sa 6.7% kung sa simula’t sapul ay pu­malya na sila sa kanilang mga kalkulasyon. Ang katotohanan nito ay simula nang umarangkada ang TRAIN, buwan-buwan ay masamang balita ang dinaratnan ng mahihirap na Pilipino.

Mabuting balita rin kaya ang muli na namang pagtaas ng pamasahe bunga ng pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina? Mabuting balita rin ba ang 1.2 milyong mahihirap na naghihintay pa rin para sa ayuda ng gobyerno para sa epekto ng TRAIN? Ang nakakadismaya pa, dahil hindi naman silang nakaluklok sa pwesto ang nahihirapan, malakas ang loob nilang magsabing magtiis na muna ang mga mamamayan.

Saka lang dapat sabihin ng administrasyong ito na may mabuting balita kung maibaba na at mapanatiling mababa ang presyo ng mga bilihin. Kapag hindi na nagkakandarapa ang maraming Pilipino sa pagtitipid para mapagkasya sa kanilang araw-araw na pagkain. Kapag hindi na sunod-sunod ang pagtaas ng pamasahe.

Kung talagang gusto ng Malacañang na mapagaan ang buhay ng mamamayan, mabuting siguraduhin muna nitong gumiginhawa talaga ang buhay ng mga Pilipino. Huwag silang magbilang ng sisiw gayong hindi pa napipisa ang mga itlog.