Walang pinugutan, nilibing na tulak sa likod ng presinto — QCPD chief

Dolly Cabreza

Mariing pinabulaanan ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang sumbong at akusasyon na isang lalaking tulak ng droga na nawawala ang umano’y dinukot, pinugutan, at inilibing ng mga pulis sa isang bakanteng lote sa likod ng himpilan ng Masambong Police Station.

Ayon kay QCPD Director PB/Gen. Joselito Esquivel Jr., nakapagsagawa na ng paghuhukay sa naturang lugar ang mga tauhan ng Commission on Human Rights (CHR) ngunit walang nahukay na bangkay.

Nabatid na nag-ugat ang paghuhukay ng CHR sa naturang lugar batay sa kahilingan ni Gng. Herminia Brillante, na ina ng nawawalang si Reynaldo Brillante, alyas Raymond Aruta.

May saksi umano na nagsabing pinugutan ng ulo ng pitong pulis si Aruta, dahil dito humingi ng tulong sa ahensiya ang ginang.

Bumuo din task group ang QCPD upang imbestigahan ang umano’y pagkawala ni Raymond Aruta, at ni-relieve ang mga isinasangkot na pulis.

Iginiit pa ni Esquivel na wala silang itinatagong anuman at handa silang makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng CHR sa insidente.