Walang nakitang problema si Senate President Pro-Tempore Franklin Drilon sa pagpapatupad ng warrantless arrest.
Kaalinsunod na rin ito sa idineklarang state of emergency ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang bombing sa Davao City noong Biyernes.
Ayon Kay Drilon, sa ilalim ng Proclamation No. 55, pinahihintulutan ng Pangulo ang warrantless arrest sa mga suspek na aktuwal na gumawa ng krimen o gagawa pa ng krimen sa presensiya ng arresting officer o kaya’y ang isang arresting officer ay may personal na alam na sangkot ang isang tao sa krimen. Gayundin , kung ang aarestuhin ay tatakas sa kulungan o susuko ang isang tao.
“For me, that’s right because the first three are in the rules of court. The fourth is voluntary surrenders, so there’s nothing wrong with that either,” ayon kay Drilon.
Bukod dito, paglilinaw ng senador, nakapaloob sa umiiral na batas ang warrantless arrest.
Gayunpaman, giit ni Drilon na sa lalong madaling panahon ay dapat alisin o bawiin ng Pangulo ang deklarasyon nito kapag sa tingin nito ay wala nang banta upang mapawi ang takot ng taumbayan.