Walang puso sa party-list

Hindi ko masisisi ang taumbayan kung wala silang puso sa mga party-list congressman, dahil karamihan sa mga party-list congressman hindi naman talaga sila ramdam ng sektor na kanilang kinakatawan kuno sa Kamara.

Sa totoo lang, mara­ming party-list congressman, hindi ko nilalahat ha, marami lang sa kanila ang hindi nagsasalita sa isyu na apektado ang kanilang sektor na kanila raw kinakatawan sa Kongreso.

Noong nakaraang Kongreso, tanging si da­ting Anakpawis party-list Rep. Fernando Hicap lang at isa pa, ang hindi milyonaryo at hindi pa umaabot sa P100,000 ang kanyang Statement of Assets, Lia­bilities and Networth (SALN).

Si Cong. Pandoy kung tawagin ang totoong kinatawan ng karaniwang tao na kung tawagin ng mga elista ay anak-pawis dahil sa hirap sa buhay na kahit anong pagpapawis na gawin ay hindi umaasenso.

Maliban kay Hicap, si Kalinga party-list Rep. Abigail Ferriol-Pascual­ ang hindi mayaman sa hanay ng party-list congressmen. Ibig sabihin lahat sila ay mayayaman kaya hindi ko maarok kung papaano­ nila nararamdaman ang marginalized sector na kanilang kinakatawan sa Kongreso.

Nitong 17th Congress, hindi ko alam kung sino ang mahirap sa party-list maliban ka Cong. Ferriol-Pascual dahil nakabalik pa siya sa Kongreso habang si Ka Pandoy ay nagbigay-daan sa kanyang kasama­han sa kanilang partido.

Pero ang sigurado, nadagdagan ang bilang ng mga party-list congressman na mayaman o saksakan ng yaman kaya hindi ko maisip kung papaano nila mararamdaman ang marginalized sector na kanilang kinakatawan eh hindi sila nanggaling sa sektor na ‘yun.

Palagay ko kung hindi lang nakakakahiya eh may magdedekla na sila ay kinatawan ng mga eli­tista at mayayaman sa lipunan sa Kamara. Wala lang gumagawa dahil baka hindi sila manalo dahil iilan lang ang milyonaryo sa bansa.

Ang napapansin ko pa sa karamihan sa mga party-list congressman, tahimik sila sa mga isyung apek­tado ang kanilang kinakatawan. As in tahimik kaya hindi mo maiwasang isipin na wala silang paki.

Maliban sa mga militanteng grupo, may nariri­nig ba kayo na pumapalag na party-list congressmen kapag tumataas ang presyo­ ng kuryente, mabab­a ang bili ng middlemen sa mga ani ng mga magsasaka, walang patubig sa irrigation, tumataas ang presyo­ ng mga bilihin o kaya binabanatan ng mga Chinese ang mga mangingisda sa West Philippine Sea.

Lahat ng sektor na ‘yan, kasama na ang mga overseas Filipino workers, ang mga magtitinda sa kalsada, ang mga security guard, ang mga karaniwang manggagawa, at kung anu-ano pa eh may kinatawan daw sa Kongreso.

Bakit walang nagsasa­lita sa kanila, maliban sa mga militanteng mambabatas kapag naapektuhan ang mga sektor na ito? Dahil ba hindi talaga nila naiintindihan ang damdamin ng mga mahihirap na sektor ng lipunan at ginagamit lang naman talaga nila ang mga mahihirap bilang tuntungan para makapasok sa Kongreso dahil wala silang matakbuhang distrito sa bansa.

Dahil diyan, marami tuloy ang nate-turn-off sa mga party-list congressman kaya suportado nila ang ideyang buwagin na lang ‘yan dahil kasama sila­ sa ginagastusan ng mga taxpayers.

Kung hindi man mabuwag, dapat ayusin ang sistema at tiyakin na kapag milyonaryo ka wala kang karapatang kumatawan sa sektor na hindi ka naman kabilang. (dpa_btagui­nod@yahoo.com)