Walang relokasyon kung walang tubig at kuryente

Hindi ire-relocate ang nakatira sa mga squatters area kapag hindi kumpleto sa basic utilities tulad ng kuryente at tubig sa mga relocation sites o mga lugar na paglilipatan sa mga ito.

Ito ang isa sa mga nais umanong ipatupad ni Vice President Leni Robredo bilang chairperson ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) kapag inilipat ang mga informal settlers family sa mga relocation sites.

“Iyong isa po na pinapaniwalaan ko, dapat sana hindi magiging ganap iyong relocation kung iyong mga basic utilities ay wala pa,” pahayag ni Robredo sa mga residente ng isang relocation site sa Calauan, Laguna noong Sabado.

Karaniwan aniya na problemado ang mga inilipat na pamilya sa mga relocation site dahil tanging bahay lang ang ibinigay sa kanila ng gobyerno at kanya-kanya umano ang pagpapakabit ng mga ito ng kuryente at tubig.

“Halimbawa wala pang kuryente, wala pang tubig, dapat sana hindi muna i-enforce iyong relocation kasi sa Maynila po may mga mineeting po akong mga informal settler groups, mayroon pong mga lugar, kinseng taon na sila, pitong taon na sila, pero hanggang ngayon wala pa ring tubig, wala pa ring kuryente,” ani Robredo.

Nais umano ni Rob­redo na baguhin ang kalakarang ito at isasama na agad sa pagpaplano ng pribadong sektor tulad ng electric cooperative o kaya Meralco at water utilities sa itatayong relocation site upang kapag inilipat na ang mga informal settler ay kumpleto ang mga ito ng kanilang pangunahing kailangan.

Nais din ni Robredo na maresolba ang 1.4 million backlog sa pabahay sa bansa na karamihan ay nasa Maynila. Plano nito na ipatayo ang pabahay sa loob ng siyudad upang hindi mapalayo ang mga informal settler families sa kanilang trabaho at eskuwelahan.