Walang Salamat!

Patuloy ang pagkadehado ng bansa sa magiging kampanya sa 29th Southeast Asian Games 2017 sa Kuala Lumpur, Malaysia sa darating na Agosto 19-31.

Hindi na maidedepensa ng Team Pilipinas ang Individual Time Trial sa women’s cycling event ng Batang Pinoy discovery na si Marella Vania Salamat nang tapyasin din ito ng Malaysia SEA Games Organizing Committee.

Dismayadong binunyag kahapon ni national women’s team coach Cesar ‘Ponga’ Lobramonte na inaasahang mahihirapan ang 3-player national riders lalo na si Salamat na hindi na maipagtatanggol ang kanyang nadaklot na gold medal sa 2015 Singapore SEAG.

“Nakita siguro nila na malayo ang oras ng kanilang siklista sa oras ni Marella kaya inalis,” sabi ni Lobramonte, na hinirit magtitiyaga na lang sila sa naiwang dalawang event na Criterium at Road Massed Start.

Ang ITT ang paboritong event ng 22-year-old, Pangasinense at UE Dentistry student na si Salamat kung saan naka-bronze siya 2016 Tagaytay City World University Cycling Championships.

“Mahirap manalo kapag sabay-sabay kayong sumisikad dahil nandidiyan iyung haharangan ka o kaya iipitin ka ng mga kalaban mo habang palapit na sa rematehan hindi katulad doon sa mag-isa ka at race against the time. Kaya kailangan natin turuan ngayon ang mga ridees natin,” panapos ni Lobramonte.

Kaya naman apat na malalaking multi-stage na mga karera ang sasalihan ng biennial sportsfest-bound Pinay pedalpushers bilang international exposure bago mag-SEAG.

Inimbitahan ang mga Pilipina riders na sa BIWASE Cup sa Marso sa Vietnam, sa Princess Maha Chakron Sirindhorn Cup sa Abril sa Thailand, sa Juanita Jelajah sa Malaysia sa Mayo at sa isa karera sa Vietnam sa Hulyo.

Naunang binaklas ng MASOC ang mga events sa women’s boxing at muaythai.