Walang Senate delegation sa Vegas fight ni Pacquiao

pacquiao-vargas

Itinanggi ni Sen. Richard Gordon na may dele­gasyon ang Senado sa darating na laban ni boxing icon at Sen. Manny Pacquiao sa Amerikanong si Jessie Vargas sa Las Vegas, Nevada ngayong Nobyembre 5.

Gayunman, inamin ni Gordon na may isang senador ang posibleng magbiyahe sa Estados Unidos para manood ng laban ni Pacquiao.

“Wala (Senate delegation),” pag-amin ni Gordon sa isang ambush interview subalit tumangging magbanggit ng pangalan kung sino ang manonood ng laban sa Las Vegas.

Sinabi ng senador na nabigyan siya ng ticket para sa laban ni Pacquiao na gaganapin sa Thomas & Mack Center, pero hindi siya lilipad sa US para lang personal na panoorin ang laban.

Agad namang itinanggi nina Sens. Juan Miguel Zubiri at Sherwin Gatchalian na may balak silang panoorin ang laban ni Pacquiao sa US.

Nakatakdang lumipad si Pacquiao patungong Los Angeles, California ngayong Sabado upang maipagpatuloy ang kanyang training sa Wild Card Gym bago tumungo ng Las Vegas.