Dapat umanong buwagin na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil sa kabiguan nitong matutukan at arestuhin ang mga money launderer na nagpasok sa bansa ng $633 milyon o P32 bilyon, ayon kay Senador Ri­chard Gordon.

“Tanggalin niya (Duterte) ‘yang AMLC dahil hindi ginagawa ng AMLC ang trabaho niya. Tanggalin at idemanda. Ikulong ‘yan dahil talagang economic sabotage ang ginagawa,” pahayag ni Gordon sa panayam sa radio.

“‘Yong Customs ginawa ang tungkulin, ni-report sa AMLC walang ginawa. Eh tanggalin ‘yan at idemanda,” dagdag nito.

Ginawa ni Gordon, chair ng Senate Blue Ribbon Committee, ang panawagan dahil hindi umano siya kumbinsido sa paliwanag ni AMLC Secretariat Executive Director Mel Georgie Racela sa pagdinig sa Senado noong Huwebes.

“Walang silbi ‘yang AMLC eh. ‘Yong head hindi niya alam ‘yong sinasabi niya. Sinasabi niya wala raw siyang bala,” sabi ni Gordon.

“Anong gagawin mo sa Customs nagsumbong sa kaniya tapos sasabihin niya huwag munang filean ‘yan dahil wala tayong bala,” saad nito.

Nauna nang sinabi ni Racela sa pagdinig sa Senado, na Marso pa lang ay nakipagkoordinasyon na sila sa kanilang counterpart sa abroad para imbestigahan ang ilang indibidwal na nagbibitbit ng cash sa Pilipinas.

“We cannot establish mo­ney laundering if we cannot establish unlawful activity,” sabi ni Racela sa komite.

Sinabi pa ng AMLC na may P14 bilyong halaga na transaksiyon sa (POGO) ang kadududa. (Dindo Matining)