Nababahala ang Mines and Geosciences Bureau sa posibleng pagguho ng isang malawak na lupaing pinatatayuan ng bakod sa sandaling magkaroon ng lindol at malakas na ulan sa Davao City.

Ang konstruksyon ng bakod sa lupaing ito na matatagpuan sa Diversion Road (Carlos P. Garcia Highway) Shrine Hills, Matina ay nauna nang ipinatigil ng Davao City engineer’s office (CEO).

Ang pagpapahinto ay kaakibat ng pagpapatibay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kurbada sa lugar na natagpuang may mga bitak na naging sanhi ng landslide kamakailan na nagpasikip ng trapiko sa lugar.

Noong Mayo 9 ay binigyan na ng unang notice of violation at tigil trabaho ang naturang proyekto.

Alinsunod sa ulat ay nagpadala na umano itong si City Engineering Chief Joseph Dominic Felizarta ng tao ng city building office (CBO) para punta­han at inspeksyunin ang lugar at nalamang wala itong fen­cing permit, na bayolasyon ng Section 301 ng National Building Code.

Show Quoted Content

Alinsunod sa batas, ‘no person, firm or corporation including any agency or instrumentality of the government shall erect, construct, alter, repair, move, convert, or demolish any building or structure or cause the same to be done without first obtaining a building permit.’

Lumipas ang tatlong linggo ay nagpadala muli ang CBO ng second and final notice, na nakapangalan sa isang Speaker Alvarez, para ito ay kumuha ng building permit sa loob ng limang araw.

Sa muling pagbisita ng CBO ay sinabihan na ang mga ito na hindi na si Alvarez ang may-ari na lupa kundi isang Jeffrey Cheng.

Hulyo 2017 naman nang magpadala muli ang CBO ng isang notice of violation at work stoppage order na nakapangalan na kay Cheng pero ito ay hindi pinansin at sa halip ay tuluy-tuloy pa rin ang ginawang pagbabakod at ang matindi ay malapit na itong matapos.

Ang nakapagtataka lamang bakit parang malakas ang loob nitong si Cheng at walang pakialam sa mga notice na ipinadadala ng city engineering?

Ganu’n ba ito ka-powerful para balewalain ang mga paninitang ginagawa ng City Engineering ng Davao, maliban na lang kung may ipinagmamalaki itong opisyal ng gobyerno na kanyang kadikit.

Sa pagkakaalam natin itong si Cheng ay ang may-ari ng Davao Aguilas, ang football team na kumuha kamakailan sa magkapatid na Fil-Brit, Phil and James Younghusband at siya rin ang principal ng kontro­bersyal na airport project na sa Philippine International Air Terminals Co. Inc. (PIATCo), sa panahon ni House Speaker Pantaleon Alvarez bilang kalihim ng Department of Transportation and Communications.

Show Quoted Content

Ang maybahay nitong si Emelita Apostol ay lu­mabas na isa pala sa may-ari ng Wintrack, ang kontraktor ng PIATCo.

Noong April 2016, Ang Supreme Court ay pinal na nag-utos na bayaran ng pamahalaan ang PIATCo sa halagang ‘di bababa sa US$510 milyong bilang kabayaran sa pagpapatayo ng maanomalyang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Hulyo 2017 naman nang magpadalang muli ang CBO ng isang notice of violation at work stoppage order o tigil trabaho, na nakapangalan na kay Cheng pero ito ay hindi pinansin at ang pagbabakod ay malapit nang matapos.

Hinihimay natin ang mga detalyeng ito dahil sa pagpapakita ng lantarang pambabalewala ng ilang indibidwal katulad ni G. Cheng sa umiiral na batas.

Ganito na ba dapat ang mangyari sa ating lipunan, ang magsiga-sigaan at maari nang hindi sumunod sa mga umiiral na batas?