Pinatunayan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Gen. Guillermo Eleazar na hindi uubra sa kanya ang special treatment.
Nangyari ito dahil sa kaso ni PO1 Eduardo Valencia, ang pulis na nakulong matapos akusahang nang-rape ng isang menor de edad. Ang mga magulang ng dalagita ay nahuli ni Valencia dahil sa pagtutulak ng droga at hiningi daw nitong kapalit ng kalayaan ng mga naarestong magulang ang dalagita.
Agad ipinakulong ni General Eleazar si PO1 Valencia pero hindi kuntento ang isang malaking dyaryo at nagpatutsada na kapag pulis ang nakulong, posibleng nabibigyan ito ng special treatment. Ang ipinupunto ng malaking dyaryo ay baka hindi totoong naghihimas ng rehas si PO1 Valencia sa halip ay nakadetine lamang sa opisina.
Hindi pinalagpas ni General Eleazar ang isyu kaya naman kahit ala-una pasado ng madaling-araw ay sumugod ito sa kinapipiitan ni PO1 Valencia kasama ang ilang media para alamin kung meron ngang special treatment na natatanggap ang rapist na pulis.
Sa surprise visit ng heneral, nakita ng lahat na walang special treatment kay Valencia at totoong nasa loob ito ng kulungan at hindi sa opisina lamang.
Ayon kay Eleazar, hindi uubra sa kanya ang anumang special treatment sa mga tiwaling pulis. “The misuse and abuse of authority by any government official, especially a policeman, is a bigger crime because the culprit is a person of authority. Using his position and uniform to intimidate and coerce ordinary citizens to give in to his evil designs is wicked and unforgivable in my book.”
Ayon naman sa hepe ng presintong kinapipiitan ni PO1 Valencia, walang puwang ang special treatment sa sinumang tiwaling pulis. Malinaw umanong kasama ito sa direktiba ni PNP Chief Oscar Albayalde pati na ng kanilang NCRPO chief.
Dahil dito, inilabas ng mga dyaryo, radyo at telebisyon ang nangyaring surprise visit ni Gen. Eleazar at napatunayan sa lahat na walang special treatment kay PO1 Valencia.
Bilang pagkilala sana sa parehas na pamamahayag, dapat ay nanguna ang malaking dyaryong nagpaputok ng isyung ito pero hayun at kapuna-punang tumahimik lamang ito. Natameme pero hindi naman inamin na sila’y nagkamali ng akusasyon.