Walang sukuan! De Lima humirit ulit sa SC

Muling nakiusap si Senador Leila de Lima sa Supreme Court (SC) kahapon na payagan siyang makalaya kasabay ng panalangin na sana ay huwag umanong hayaan ng mga mahistrado na paikutin ng mapang-abusong administrasyon ang sangay ng hudikatura.

Sa 24-pahinang motion for reconsideration, hiniling ni de Lima sa SC na ikonsidera ang nauna niyang petisyon na ipawalang-bisa ang inisyung warrant of arrest laban sa kanya ng Muntinlupa regional trial court kaugnay sa mga kaso ng iligal na droga.

Giit ng senadora, dapat lang siyang makalaya dahil kahit ang mga mahistrado ng SC ay hindi magkasundo kung ano ang dahilan ng mga paratang sa kanya.

“If the members of the majority could not even agree on the nature of the accusation reflected in the Information, such fact is an objective indicator that respondent judge could not possibly have had probable cause to issue the warrant of arrest against petitioner,” katuwiran ng senadora sa kanyang mosyon.

Sa botong 9-6 noong Oktubre 10, ibinasura ng SC ang petisyon ni de Lima na humihiling na ipawalang-saysay ang arrest warrant na ipinalabas ni Muntinlupa City RTC branch 204 Judge Juanita Guerrero.

Nanindigan ang SC na may hurisdiksyon ang mababang korte upang dinggin ang kaso ng nakakulong na senadora sa iligal na droga noong siya ang kalihim ng Department of Justice (DoJ).

Samantala, aminado si De Lima na naalarma siya sa takbo ng kanyang kaso dahil sa nakikita niyang pagpayag umano ng Mataas na Korte na maging instrumento ng kawalang katarungan.