Mana sa ama!
Itinuturing nang legend sa mundo ng motocross si Jolet Jao, na ilang beses nang nagkampeon sa naturang extreme sports.
Ito ang nais sundan ng anak niyang 20-anyos na IT student ng AMA East-Rizal na si Jasmin Jao, na unti-unti na ring gumagawa ng sariling pangalan sa delikadong mundo ng motocross.
“It’s my dream to follow my dad’s footsteps in motocross and be like him,” sabi ni Jao, na naging bisita ng Abante Sportalakan kamakailan.
Sa murang edad na anim na taon ay marunong nang mag-motorsiklo si Jasmin at maraming pagkakataon ding nakakapanood ng motocross dahil napapanood niyang humarurot sa racetrack ang kanyang ama.
Pero naghintay pa siya hanggang edad 18 bago tuluyang makapasok sa mundo ng motocross dahil hindi agad siya pinayagan ng kanyang mga magulang na sumali sa ganitong uri ng sports.
“Eversince bata ako talagang gusto ko nang mag-race kaso hindi pa ako pinapayagan nu’ng bata-bata pa po ako. Ngayon lang po nagka-chance na matuloy ko (ang motocross),” kuwento ng maganda at tsinitang motocross rider.
Ayon pa kay Jasmin, bagama’t alam niyang delikado ang motocross ay hindi niya ito matalikuran dahil mahal niya ang larangang ito.
Minsan nang sumubok si Jao sa volleyball, basketball at table tennis subalit mas nangibabaw ang ‘need for speed’ ang sarap ng pakiramdam ng hangin sa kanyang mukha tuwing kumakarera.
Pangarap ni Jao na makalahok sa mga international motocross tournament sa mga darating na panahon kaya todo ang disiplina niya sa pag-eensayo.
Nagpapasalamat nang husto si Jasmin sa mga tao at grupong tumutulong sa kanyang sa napiling career.
Ilan sa mga tumutulong humubog sa kanyang motocross career ang kanyang mga isponsor na si Potato Corner Philippines C.E.O. Jose Magsaysay, Jr., Black Mamba Energy Drinks, Charlie Ong at Peter Yung ng KYT Philippines, Platinum Lubricants, Rich Bain Taxi-Teves, Gian Lasam ng Imprint Costums, KRB Mitas Track-Cogeo, MMF Track-Taytay, Mel Aquino ng MAYOTC at ang Fooly Hardy Brand Shades.
Q&A
Abante: Sa dinami-dami ng sports, bakit motocross ang napili mo?
Jao: “Bata pa lang ako talagang gusto ko nang mag-race kaso hindi pa ako pinapayagan nu’ng bata-bata pa po ako. Ngayon lang po nagka-chance na matuloy ko.
Abante: Sino pa ang idol mo sa motocross bukod sa daddy mong si Jole Jao?
Jao: Ngayon, si daddy lang talaga haha!
Abante: Ano ang ultimate dream mo sa pagmo-motocross?
Jao: Gusto kong mag-compte sa ibang bansa.
Abante: Ano ang maituturing mong greatest achievement sa motocross career mo sa kasalukuyan?
Jao: Siguro kapag nagta-top 3 ako, sa akin greatest achievement na po iyun kasi ang gagaling ng mga nakakalaban ko kasi matagal na po sila nagre-race.
Abante: Hanggang ano’ng edad nakikita mo ang sarili mo na magco-compete sa mga motocross tournament?
Jao: Sa katulad ko pong babae hindi ko po masabi (ano’ng edad pwede magretiro) pero kasi hindi siya tulad sa lalaki kahit may family na po puwede pa mag-race.
Abante: Kapag nagkaanak ka balang-araw papayagan mo din sila mag-motocross?
Jao: Mga one-year old pa lang po tuturuan ko na po mag-motor haha.
Abante: Mensahe mo sa mga nais ding subukan ang motocross.
Jao: Para po dun sa mga nais mag-motocross, try n’yo po kasi nakaka-enjoy. Risky nga lang pero for both boys and girls, i-try n’yo po.